Counter Strike, DOTA, Gaia, Call of Duty, Angry Birds, Plants vs. Zombies, at Tetris Battle – mga kinahihiligang laro, ‘di lang ng mga bata kundi pati ng mga teenagers at matatanda. “Tara 3v3 tayo.”, “Oy, pustahan ha.” at ”Okay, siguro si ganito ang magiging first blood.” ay ilan lamang sa mga linyang laging sinasabi ng mga kabataan pagkatapos ng kani-kanilang klase papunta sa mga computer shop. Dali-dali silang pumupunta roon na tila may nagaganap na paligsahan. Kung minsan, inaabot na ng gabi ang uwi ng mga bata dahil sa kakalaro. Kaya ang kanilang mga magulang ay labis ang kaba sa dahilang gabi na at wala pa rin ang kanilang anak. Ano nga bang mayroon dito at sobra-sobra ang pagkahilig nila sa mga ganitong uri ng laro? Ano rin kaya ang mga idinudulot sa kanila sa kabila ng pagkakahilig sa mga iyon?
Mabilis ang takbo ng panahon. Dati-rati, ang mga bata’y nahihilig at nalilibang sa mga larong pangkalye tulad ng patintero, tumbang-preso, piko, at taya-tayaan. Halos masakop na nila ang mga daanan ng mg sasakyan dahil sa paglalaro. Ang lahat ng mga bata’y tuwang-tuwa, pawis na pawis at halos di na mapigilan ang sayang kanilang nadarama. Ngunit simula nang nauso ang Counter Strike at naglaon ay ang DOTA, unti-unti na itong hindi nalalaro at napapansin ng mga bata. Halos magdamagan na silang nakaupo sa harap ng kompyuter.
Sa karamihan, ang mga video games o online games daw ay nakakatuwa o nakakalibang at nakakachallenge. Para ka raw nasa ibang dimensyon kung ika’y naglalaro ng mga ganito. Halos ikaw, ako o tayo na ang karakter na ating kinokontrol. May mga iba’t ibang maganda at di magandang naidudulot ang mga ganitong laro. Sa kagandahang dulot, nailalabas ng mga kabataan ang kanilang mga naitatagong kakayahan tulad ng pagmemorya ng mga control, talino sa mga taktika at iba pa. Sa kabilang dako naman, ito ay kinalolokohan ng mga bata. Kaya kung minsan ay hindi na sila nauutusan ng mga magulang at napapabayaan na nila ang kanilang pag-aaral lalo na sa paggawa ng mga takdang aralin.
Para sa akin, ang online at video games ay nakasisira sa paghubog ng bata. Ito ay sa kadahilanang parang sila ay nagiging adik na sa kakalaro. Halos ‘di na sila mapigilan sa kakalaro. Sa kanilang pag-aaral, nagkakaroon sila ng mabababang grado. Hindi nila nagagawa ang kanilang mga takdang aralin. Sa kalusugan naman, ‘di na sila nagiging physically fit dahil magdamag silang nakaupo. Kung atin ding titignan, halos lahat ng mga online/video games ay puro barilan dito, patayan doon. At maaari nilang gawin o gayahin ang mga ganoong gawain.
Kaya dapat ay balansehin nila ang kanilang oras. Sinasabi ngang may oras ang lahat ng bagay. Kung maaari sana’y unahin muna nila ang mga dapat gawin at ihuli na ang paglalaro ng mga video/online games. Isa pa’y dapat alalahanin ang mga kinasanayan ng mga laro mula pa sa ating mga angkan. Sa pamamagitan nito, magkakaroon na sila ng mabuting pangangatawan, magiging maayos pa ang kanilang kalusugan at magkakaroon pa sila ng mataas na grado sa paaralan.
No comments:
Post a Comment